OFW Apektado sa Malaking Sunog sa Hong Kong



 Hong Kong — Isang malaking sunog ang sumiklab sa Wang Fuk Court sa Tai Po District noong Nobyembre 26, kung saan mahigit 90 katao ang nasawi habang daan-daan ang nasugatan, ayon sa ulat ng Hong Kong authorities.


Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), isa Filipino domestic worker ang kasalukuyang nasa ICU, habang isa pang Pilipino ang iniulat na nawawala matapos ang insidente. Sinabi ng DFA na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa Hong Kong Police at mga ospital para sa pagkakakilanlan ng lahat ng biktima.


Ayon sa DFA, “Patuloy naming tinutulungan ang mga apektadong Pilipino. Nakikipag-ugnayan kami sa MWO-HK at OWWA-HK para sa agarang suportang kailangan ng ating mga kababayan.”


Iniulat din ng Philippine Consulate na 23 Filipino domestic workers ang kasalukuyang nasa evacuation shelters at tumanggap ng food packs, sleeping kits, at psychosocial assistance.


Sinabi ng Hong Kong Fire Services Department na nagsimula ang apoy sa ika-20 palapag ng gusali at mabilis na kumalat dahil sa makapal na usok. Patuloy pa ang imbestigasyon kung paano nagsimula ang sunog at bakit naging mabilis ang pagkalat nito.


Ayon sa isang opisyal ng Hong Kong Fire Services, “Ito ang isa sa pinakamalalang sunog sa nakaraang mga taon. Marami pa kaming hinahanap sa loob ng gusali.”


Samantala, hinimok ng DFA ang mga Pilipino sa Hong Kong na makipag-ugnayan kung may kamag-anak na hindi pa makontak. May emergency hotline na naka-activate para sa mga nangangailangan ng tulong.


Patuloy ang monitoring ng mga awtoridad habang isinasagawa ang search and rescue operations.